Sunday, July 5, 2009

Bantay-Salakay

Bantay-Salakay

Ang Opisyal na Pahayag ng Matanglawin ukol sa Iniratsadang Con-Ass ng Kamara



Ika-2 ng Hunyo. Lagpas alas-onse na ng gabi subalit halos puno pa rin ang kadalasa’y bungi-bunging mga upuan sa Mababang Kapulungan. Maingay sa bulwagan dulot ng kabi-kabilang mga debate, talumpati at girian ng mga Kongresista ukol sa House Resolution 1109. Nilalayon nito na tipunin ang mga miyembro ng Kongreso upang amyendahan ang Konstitusyon sa pamamagitan ng tatlong-kapat na boto ng lahat ng miyembro nito. Bago maghatinggabi, naipasa ang nasabing resolusyon, isang nakapagtataka at nakapagdududang kaganapan sapagkat bibihirang mangyari na mabilisang naaksiyunan ng Mababang Kapulungan ang isang nakahaing panukala. Katibayan dito ang marami pang nakabinbing usapin tulad na lamang ng mga batas ukol sa repormang agraryo.

Nakalulungkot, nakahihiya at nakangangalit ang ginawang pagratsada ng mayorya sa Mababang Kapulungan sa HR 1109. Isang pang-aabuso ito sa kapangyarihan at pribilehiyong ipinahiram sa kanila ng taumbayan. Waring hindi pinag-isipan ng mga sumuporta rito ang legalidad, katwiran at kahihinatnan ng resolusyong ito, bagkus pawang mga pansariling-interes lamang nila ang kanilang isinaalang-alang.

Kaugnay nito, hindi sumasang-ayon ang Matanglawin sa naipasang resolusyon patungkol sa Constituent Assembly batay sa mga susunod na argumento:

Minadali at Mahina ang Batayan. Samantalang usad-pagong ang pagpasa sa ilan pang mahahalagang panukalang batas gaya ng Comprehensive Agrarian Reform Program Extension with Reforms (Carper), Genuine Agrarian Reform Bill (Garb) at Anti-Child Pornography Bill, nakagugulat ang pagpapasa ng HR 1109 na nagawa pa nilang paglamayan. Batid maging ni Camarines Sur Rep. Luis Villafuerte, ang orihinal na may-akda ng HR 1109, na mabilisan ang ginawang pagpasa ng resolusyon sapagkat wala na rin umanong sapat na oras upang susugan ang Konstitusyon bago ang Halalan 2010. Hindi rin malinaw ang di-iilang probisyon dito gaya ng anyo ng pamamahalang isasakatuparan. Isama pa rito ang mga alanganing interpretasyon ng mga Kongresista sa batas ukol sa pag-amyenda ng Konstitusyon.

Mahigpit na Pagkapit sa Kapangyarihan. Sapagkat natatangi ang pagpapahalaga ng Mababang Kapulungan sa HR 1109, hindi maiiwasang maisaisip na may motibo ang mga pilit na nagtulak na maisakatuparan ang nasabing resolusyon. Sang-ayon sa Konstitusyon ng 1987, hanggang sa ikatlong termino lamang maaaring maupo sa puwesto ang mga lokal na opisyal na gaya ng Kongresista. Sa kasalukuyan, marami sa kanila ang hindi na maaaring tumakbo sa Halalan sa 2010 sapagkat huling termino na nila. Kinakailangan pa nilang maghintay ng tatlong taon upang muling mapahintulutang tumakbo sa pagka-Kongresista. Ngunit, sa oras na maisakatuparan ang pag-amyenda sa Konstitusyon, kung saan maituturing na “bagong panimula” ang babalangkasing Saligang-Batas, maari na muli silang tumakbo sa pagka-Kongresista sapagkat hindi na kikilalanin sa bilang ang mga nauna nilang termino.

Para sa Kaligtasan ni Arroyo. Hindi malayong nasa likod ng balak na pagsasakatuparan ng HR 1109 ang pagsisikap na mapanatili o higit pang mapalawig ang kapangyarihan ni Pangulong Arroyo upang mailigtas ito mula sa kumunoy ng mga isasampang kaso sa kaniya sa oras na hindi na siya Pangulo. Bagaman agad na ginarantiya ng mga sumuporta sa HR 1109 na magkakaroon ng Halalan sa 2010 at hindi ito magbibigay-daan upang magkaroon ng ekstensiyon sa termino ng Presidente, Bise-Presidente, mga Senador, Kongresista, Gobernador, Alkalde at mga halal na opisyal na magtatapos ang termino sa 2010, sino pa nga ba ang magtitiwala lalo na’t minsan nang bumali sa sariling salita ang mga halal na opisyal, kabilang na nga riyan ang Punong Ehekutibo mismo. Hindi mapabubulaanang hawak ng administrasyon ang mayorya sa Mababang Kapulungan. Kung mapahahaba ang termino ng Pangulo, mapahahaba din ang kaniyang imunidad sa kaniyang mga napipintong kaso. Sa kasalukuyang imahe ng gobyernong Arroyo, na talamak ang pang-aabuso sa mga butas ng batas, bantog sa mga katiwalian at kawalang katarungan, mahirap magbigay ng ni katiting na pagkakataon upang mapahaba ang termino ng sinoman.

Paggahasa sa Kalikasan. Kung sakali mang tuparin nga ng mga mambabatas ang kanilang salita at tanging mga probisyong ekonomikal lamang ang babaguhin, maaring maisakatuparan ng nasabing resolusyon ang panukalang batas ni Ispiker Prospero Nograles, ang House Bill 737. Sa pagpapatupad nito, mabibigyang-daan ang 100% pag-aari ng mga banyaga sa mga lupain ng Filipinas. Sa batas na ito, waring lubusan na ring ipinagkaloob sa kamay ng mga dayuhang kapitalista ang bansa at maaagnas ang proteksiyon sa pang-aabuso sa mga likas na yaman sapagkat hindi na mapipigilan ang gawaing pagmimina at pang-industriyalisasyon. Pinaiigting ng resolusyong ito ang kapitalismo, hindi ang kapakanan ng mga Filipino.

Labag sa Konstitusyon. May hamon din ukol sa legalidad ng HR 1109. Iginigiit ng mga Kongresista na sumusuporta dito na dapat bumoto ang Mababang Kapulungan at Senado bilang isang Kapulungan upang amyendahan ang Konstitusyon. Iba naman ito sa sinasabi ng Senado na dapat hiwalay ang pagboto ng Mababang Kapulungan at Senado at marapat na parehong makalikom ng tatlong-kapat na boto ang parehong Kapulungan. Tampulan ng debate ng mga mambabatas ang pagbasa sa ibig sabihin ng “tatlong-kapat na boto ng lahat ng miyembro ng Kongreso.” Mismong si Fr. Joaquin Bernas, SJ, isa sa mga delegadong nagbalangkas ng Konstitusyon ng 1987, ang isa sa mga nagsasabing paglalaro sa pagbabasa ng Konstitusyon ang ginawa ng mga Kongresistang sumuporta sa HR 1109. Kailangan umanong tanggapin ng Kamara ang pakikisangkot at hiwalay na boses ng Senado.

Pagmamanipula. Sa oras na maging isang ganap o aktuwal na kontrobersiya ang patuloy na pagtatalaban o pagtatalo hinggil sa isinasaad ng Kontitusyon patungkol sa “tatlong-kapat” na boto ng mga miyembro ng Kongreso sa pag-amyenda ng Saligang-Batas, kung magkasama ba ito o hiwalay na gaganapin ng Kamara at Senado, dadalhin ang kaso sa Mataas na Hukuman upang pagpasyahan kung alin nga ba sa dalawang opsiyon ang marapat na sundin, alinsunod sa Artikulo VIII, Seksiyon 1 ng Saligang Batas. Sa kasalukuyang pamunuan sa Mataas na Hukuman, mayorya sa mga nakaupo roon ang itinalaga ng Pangulo. Dahil dito, naroon ang malaking posibilidad na sa pagdating ng puntong pagpasyahan ng huli kung ano ang marapat na interpretasyon sa panukalang botohan upang maamyendahan ang Konstitusyon, makikilingan nila ang katuparan ng interes ng kasalukuyang administrasyon. Kamakailan nga lamang, naibasura ang inihaing kaso nina Atty. Oliver Lozano at Atty. Evangeline Lozano na nagpapawalang-bisa sa HR 1109.

NAKALULUNGKOT isipin na inuuna pa nga ng nakararaming mga mambabatas ang pansariling interes at kapakanan ng mga banyaga kaysa mga usaping nauukol sa pagresolba sa katarungang panlipunan at paghihirap ng mga Filipino. NAKAHIHIYANG tanggapin na mismong mga Kongresista na dapat sana’y bihasa sa pagbabasa ng batas ang mismong lumalabag sa mga ito. Sila pa mismo ang humahanap ng butas at teknikalidad upang lusutan ang batas. Ang mas malala pa, pinipilit ng gobyerno na papanatagin ang kalooban ng mga tao sa kabila ng garapal na mekanismong ito. Hindi sana naisagawa ang pagpapasa ng resolusyon kung walang nanggagamit at nagpapagamit. NAKANGANGALIT talusin na hindi isinusulong ng mga mambabatas ang karapatan ng mga mamamayang kanilang pinangangatawanan. NAKATATAKOT isipin na magtatagal pa si Arroyo sa kaniyang pamumuno maging ang kaniyang mga kaalyado.

Sa ganitong mga kadahilanan tumututol ang Matanglawin sa naihaing Constituent Assembly. Hinihimok ng Matanglawin ang komunidad ng Ateneo at iba pang institusyon na tutulan ang nasabing hakbangin ng mga mambabatas sa pamamagitan ng pagsasagawa ng mga produktibong hakbang upang ipahayag ang galit at pagkadismaya sa anomang aksiyong gaya ng HR 1109.

Naniniwala ang Matanglawin na hindi sa ganitong kaparaanan makakamit ang sinasabing estabilidad at pagresolba sa mga suliranin ng bansa. Kaya naman mainam na maging mulat, makibahagi at makialam sa anopamang tahasang pagsasawalang-bahala sa karapatan at hinaing ng taumbayan, at hadlangan ang pagpapalala ng suliraning estruktural ng bansa. Sapagkat sa pagwawalang-bahala nananahan ang pagpapaubaya at pagpapabayang manatili ang mga ganid sa kapangyarihan at takot managutan.


(Maaaring i-download ang PDF version dito.)

No comments:

Post a Comment